--Ads--

Nakumpleto na ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang mismong suspek.

Ayon sa PNP, nabuo ng mga imbestigador ang mga pangyayari na humantong sa insidente batay sa mga pahayag ng mga saksi, security footage, school records, at iba pang digital at pisikal na ebidensiya.

Sa resulta ng imbestigasyon, walang nakitang ebidensiya na isinagawa ang pamamaril bilang bahagi ng isang sabwatan na kinasasangkutan ng anumang grupo, organisasyon o iba pang indibidwal. Wala rin umanong natukoy na sapat na school-related o personal na sama ng loob na maaaring magpaliwanag sa insidente.

Gayunman, natukoy ng mga pulis na may paghahanda bago ang pamamaril at may exposure umano ang suspek sa marahas na online material.

--Ads--

Lumabas din sa imbestigasyon na may mga pagkukulang sa pag-iingat ng baril na nagbigay-daan sa hindi awtorisadong paggamit nito, gayundin sa seguridad ng paaralan.

Dahil dito, nagsampa ang PNP ng reklamo para sa reckless imprudence resulting in homicide and physical injury laban sa rehistradong may-ari ng mga baril na ginamit sa insidente at isang school security personnel.

Nauna nang kinilala ang rehistradong may-ari ng baril bilang ama ng suspek, na isang opisyal ng Bureau of Customs.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., nararapat lamang na mabigyan ng mga pamilya ng mga biktima ng maayos at kumpletong imbestigasyon ang insidente.

Iginiit ni Nartatez na nakabatay sa ebidensiya ang imbestigasyon ng PNP at dapat hayaang ang tamang proseso ng batas ang magtakda ng pananagutan sa mga sangkot.