--Ads--

Pinaigting ng Public Order and Safety Division (POSD) ang seguridad sa mga paaralan sa Cauayan City kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa ilang pampublikong lugar na kinasangkutan ng mga estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi niyang kabilang sa mga hakbang ang regular na pagpapatrulya ng mga tauhan sa loob at paligid ng mga paaralan upang agad na matukoy ang anumang kahina-hinalang kilos o insidente.

Tututukan din umano ang mga entry at exit points ng mga paaralan, partikular sa oras ng pagpasok at uwian, upang masubaybayan ang mga taong pumapasok at lumalabas sa campus.

Kasabay nito, paiigtingin ang koordinasyon ng POSD sa mga school administrator at security personnel upang matukoy ang mga posibleng banta sa seguridad at agad na makapagsagawa ng nararapat na hakbang.

--Ads--

Ayon kay POSD Chief Mallillin, layunin ng naturang mga hakbang na mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang school personnel.

Matatandaang ilang paaralan na rin sa Cauayan City ang nagpapatupad ng mas mahigpit na security protocols, kabilang ang pagbabantay sa mga gate, paggamit ng metal detectors, pagsusuri sa mga bag at pagmomonitor sa mga pumapasok sa campus.

Bahagi ito ng preventive measures upang maagap na matukoy at maiwasan ang posibleng banta sa seguridad ng mga estudyante at school personnel.


Mahalaga rin ang pakikipagtulungan ng mga guro, magulang at estudyante sa agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang kilos o sitwasyon sa loob at paligid ng paaralan.