Sinuri ng House Committee on Appropriations ang panukalang ₱332.50-bilyong budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa 2027 na nakatuon sa pagpapalakas ng public safety, crime prevention, at disaster response sa bansa.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella, mahalagang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan upang masuportahan ang paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng mga komunidad.
Ipinunto rin niya ang naitalang mas mabilis na emergency response time na umaabot na lamang sa lima hanggang pitong minuto, gayundin ang 30.15 porsiyentong pagbaba ng cybercrime incidents sa tulong ng Philippine National Police (PNP).
Samantala, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na bahagi ng panukalang pondo ang pagkuha ng makabagong teknolohiya para sa PNP upang mas mapabilis ang pagtukoy at pagresolba sa mga krimen, kabilang ang mga banta sa seguridad ng mga paaralan na kumakalat sa internet.
Mas mataas ng 7.10 porsiyento ang hinihinging budget ng DILG para sa 2027 kumpara sa kasalukuyang taon, kung saan 95 porsiyento ng kabuuang pondo ay ilalaan sa operasyon ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Binigyang-diin ni Fuentebella na ang seguridad, kahandaan sa sakuna, at kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na maghatid ng pangunahing serbisyo ay mahalagang salik upang maisulong ang pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.











