--Ads--

Pinagsusumite ng House Committee on Appropriations sa Supreme Court at iba pang korte ang listahan ng mga programang nangangailangan ng karagdagang pondo para sa 2027 budget.

Sa isinagawang budget hearing, sinabi ng Judiciary na humihingi ito ng P5.344 bilyong augmentation mula sa orihinal na panukalang budget na P86.271 bilyon.

Ayon kay Court Administrator Ma. Theresa Gomez-Estosa, malaking bahagi ng hinihinging dagdag na pondo ay P4.541 bilyon para sa pagtatayo ng Halls of Justice sa Cebu City at P500 milyon para naman sa Cagayan de Oro City.

Humihingi rin ang Judiciary ng karagdagang P303 milyon para sa hazard pay ng mga sheriff.

--Ads--

Hiniling naman nina House Appropriations Committee Vice Chairpersons John Cagas at Julienne Baronda ang pagtatayo rin ng Hall of Justice sa Davao del Sur at Iloilo City. Sa Davao del Sur, iminungkahi ni Cagas ang P150 milyon para sa isang isang-palapag na gusali dahil sa panganib ng lindol sa lugar.

Samantala, sinabi ni Baronda na matagal nang ginagamit ang Hall of Justice sa Iloilo City na itinayo noong 1992. Aniya, isinailalim ito sa major retrofitting noong 2012 at noong 2025 ay napag-alamang hindi na ligtas gamitin, ngunit patuloy pa rin itong okupado.

Tiniyak naman nina Gomez-Estosa at Supreme Court Associate Justice Raul Villanueva na maaaring mag-realign ng pondo ang Judiciary para sa mga kinakailangang proyekto.

Inatasan ng House panel ang Supreme Court, Sandiganbayan, Court of Appeals at Court of Tax Appeals na isumite hanggang Miyerkules ang mga dokumento at listahan ng mga programang nangangailangan ng augmentation.