Labing-isang katao, kabilang ang walong bata, ang nasawi matapos sumabog ang isang pabrika ng paputok sa Uttar Pradesh, India. Ilang katao rin ang nasugatan habang nasira ang mga kalapit na kabahayan dahil sa lakas ng pagsabog.
Batay sa ulat ng pulisya, tatlo sa mga nasawi ay nasa hustong gulang habang walong bata naman ang kabilang sa mga biktima, kabilang ang isang apat na taong gulang na bata.
Agad na isinugod sa ospital ang mga sugatan habang nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad upang tiyaking walang iba pang naiwan sa ilalim ng mga guho.
Sa mga larawang at video na kumalat sa social media, makikita ang lawak ng pinsala sa lugar kung saan ilang bahay ang tuluyang nawasak. Gumamit din ang mga rescue team ng mga excavator sa paghahanap ng mga posibleng nakaligtas.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagsabog.
Samantala, ipinag-utos ni Uttar Pradesh Chief Minister Yogi Adityanath ang agarang pagbibigay ng tulong sa mga sugatan at mga pamilyang naapektuhan ng insidente. Nangako rin si Indian Prime Minister Narendra Modi ng kompensasyon para sa mga naulila at mga nasugatan sa trahedya.











