Dalawang katao ang nasawi matapos ang isinagawang airstrike ng Estados Unidos sa Iran, na muling nagpaigting sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa Iranian Revolutionary Guard Corps o IRGC, kabilang sa mga naapektuhan ng pag-atake ang ilang residente sa coastal city ng Sirik matapos tamaan ng missile ang lugar.
Bagama’t dalawa pa lamang ang kumpirmadong nasawi, patuloy na inaalam ng mga awtoridad sa Iran ang kabuuang lawak ng pinsala at kung may iba pang nasugatan sa insidente.
Binigyang-diin ng IRGC na hindi nila palalagpasin ang naturang pag-atake at nangakong gaganti laban sa Estados Unidos sa tamang panahon.
Nagbabala rin ang Iran na ang anumang karagdagang aksyong militar laban sa kanilang teritoryo ay maaaring magdulot ng mas malawak na sigalot sa rehiyon.
Matatandaang naglunsad ang Estados Unidos ng malawakang airstrikes sa ilang bahagi ng Iran matapos nitong akusahan ang Tehran na naglalagay ng mga mina at humaharang sa mga sasakyang pandagat na dumaraan sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang dinaraanan ng suplay ng langis sa buong mundo.
Dahil sa pinakahuling insidente, nangangamba ang international community sa posibilidad ng panibagong paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan na maaaring makaapekto sa pandaigdigang seguridad at suplay ng enerhiya.










