--Ads--

Inirereklamo ng ilang residente ng Purok 7, Barangay San Fermin, Cauayan City ang umano’y pagtatambak at pagsusunog ng ipa ng palay sa kanilang lugar dahil sa alikabok at usok na dulot nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonabelle Flores, residente ng naturang purok at isa sa mga nagrereklamo, sinabi nitong halos isang taon na nilang nararanasan ang naturang problema.

Ayon kay Flores, ginagamit umano ang ipa bilang panambak sa isang fishpond upang ihanda ang lugar na pagtatayuan ng isang bodega. Gayunman, nagiging perwisyo umano ito sa mga residente kapag ibinabagsak at tinatambak ang ipa dahil kumakalat ang alikabok, lalo na kapag mahangin.

Aniya, nakararanas sila ng pangangati, allergy at pagkapuwing sa mata dahil sa kumakalat na alikabok. Apektado rin umano ang kanilang kabuhayan at maging ang iba pang residente at mga boarder sa lugar.

--Ads--

Nauna na umanong nagsampa ng reklamo ang mga residente sa barangay at sa pamahalaang lungsod noong nakaraang taon, dahilan upang pansamantalang matigil ang pagtatambak at pagsusunog ng ipa.

Gayunman, muli umanong naulit ang naturang gawain matapos ang ilang panahon.

Hiling ni Flores sa may-ari ng lugar na maayos na pangasiwaan at takpan ang mga ipa upang hindi kumalat ang alikabok at magdulot ng karagdagang perwisyo sa komunidad.

Samantala, sinabi ni Kagawad Leonard Adam ng Barangay San Fermin na naaksyunan na ng barangay ang kaparehong reklamo noong nakaraang taon at nakausap na rin noon ang may-ari ng lugar.

Muli umanong mino-monitor ngayon ng barangay ang lugar matapos makatanggap ng panibagong reklamo mula sa mga residente.

Hiniling na rin ng barangay sa may-ari na tiyaking maayos ang pagtatambak at pagtakip sa mga ipa upang hindi ito kumalat sa mga kalapit na kabahayan.

Nagbabala rin ang barangay na maaaring managot ang sinumang mapatutunayang lumalabag sa mga umiiral na patakaran, kabilang na ang mga may kaugnayan sa pagsusunog at wastong pamamahala ng mga materyales na maaaring magdulot ng perwisyo sa komunidad.

Sa ngayon, patuloy na nakikipag-ugnayan ang barangay sa may-ari ng lupain upang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema.

Sinisikap pa ng Bombo News Team na makipag-ugnayan sa may-ari ng inirereklamong lupa upang makuha ang panig nito.