Nag-piyansa si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court matapos siyang atasan ng korte na maglagak ng ₱120,000 bail kada count sa tatlong bilang ng grave threats.
Nag-post ng piyansa si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98, isang araw matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong grave threats.
Itinakda ng korte sa ₱120,000 kada count ang piyansa ni Duterte matapos nitong makita ang probable cause upang isailalim siya sa paglilitis.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng bise presidente na hindi siya ligtas at mayroon umano siyang dokumentadong banta at harassment mula pa noong 2023.
Ayon kay Duterte, nangangamba siya para sa kaligtasan ng kanyang mga anak at sinabi ring pakiramdam niya ay maaari siyang patayin.
Nauna rito, hindi dumalo si Duterte sa korte noong Biyernes, araw kung kailan inilabas ang warrant of arrest. Nadagdagan naman ang deployment ng mga pulis sa Quezon City Hall of Justice.
Nitong Sabado, muling nagbantay ang mga pulis sa lugar habang dumating sa korte ang mga abogado ni Duterte na sina Michael Poa at Paul Lawrence Lim.
Nauna nang sinabi ni Lim na walang intensiyon ang bise presidente na umiwas sa batas at patuloy nitong gagamitin ang mga legal na remedyo nito.
Nagsampa ang Department of Justice ng tatlong counts ng grave threats laban kay Duterte kaugnay ng kanyang mga pahayag na kumuha umano siya ng isang indibidwal para ipapatay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling magtagumpay ang umano’y plano laban sa kanya.
Una nang naghain si Duterte ng motion to quash, iginiit na may limitadong procedural immunity ang mga impeachable officer habang nanunungkulan sa ilalim ng 1987 Constitution.
Ang umano’y grave threats laban sa Pangulo ay kabilang din sa mga batayan ng isa sa mga Articles of Impeachment laban kay Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.









