Plano ng Department of Agriculture (DA) na higit pang palakasin ang lokal na produksyon at mga solar irrigation project sa bansa bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño.
Sinabi ni DA Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa na malaki ang matitipid ng mga magsasaka sa paggamit ng solar irrigation system dahil mababawasan ang gastos sa fuel, habang napapakinabangan ang sustainable sources of water.
Pinag-aaralan din umano ng ahensya ang pagkuha ng sapat na suplay ng fertilizer o pataba para sa mga magsasaka.
Ayon kay De Mesa, bibigyang-prayoridad sa panahon ng tagtuyot ang mga lugar na may irrigation system upang matiyak na hindi maaantala ang produksyon ng mga pananim.
Iminungkahi rin ni De Mesa ang mas malawak na pamumuhunan sa water impounding projects sa mga watershed area, hindi lamang upang makatulong sa pagkontrol ng baha kundi para magamit ang naipong tubig-ulan sa irigasyon, suplay ng inumin, at hydroelectric power generation.











