--Ads--

Isang kakaibang artwork na binubuo ng 390 kilo ng peanut butter ang nakakuha ng atensyon ng 48,000 bisita sa isang museo sa Netherlands.

Dalawang buwan itong itinanghal sa Boijmans van Beuningen Museum sa Rotterdam bilang pagpupugay sa artist na si Wim T. Schippers, na pumanaw ngayong taon.

Ipinahid ang peanut butter sa isang hexagonal na sahig na may lawak na 25 metro kuwadrado, alinsunod sa tagubilin ng artist na gawin itong makinis hangga’t maaari at walang bukol.

Sa pagtatapos ng eksibisyon, iniulat ng museo na 48 bisita ang aksidenteng nakatapak sa peanut butter, habang limang cellphone naman ang nahulog at kinailangang kunin mula rito.

--Ads--

Mayroon ding isang insidenteng may batang umano’y dumila sa peanut butter.

Nakakuha rin ang museo ng 80 reklamo sa pamamagitan ng sulat at telepono kaugnay sa kakaibang artwork.

Samantala, pinag-isipan ng museo kung maaari pang gamitin ang peanut butter sa mga zoo, animal shelter o iba pang organisasyon. Gayunman, dahil walong linggo itong nakalagay sa sahig, hindi na matitiyak ang kalidad, kalinisan at kaligtasan nito bilang pagkain.

Dahil dito, ang daan-daang kilo ng peanut butter ay itatapon na sa compost heap.

Samantala, higit 400 peanut butter sandwiches naman ang naibenta sa cafe ng museo habang isinasagawa ang eksibisyon, kung saan pinakapopular ang kombinasyon nito sa chocolate sprinkles o hagelslag.