--Ads--

Dalawang lalaki, kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo, ang nasawi matapos umanong pagbabarilin ng isang tauhan ng manukan sa Lucena City, Quezon. Napagkamalan umano silang mga magnanakaw.

Sa ulat inihayag ng ama ng nasawing binatilyo na napadpad lamang sa lugar ang kaniyang anak at mga kaibigan nito upang manghuli ng gagamba na kanilang ibinebenta.

Ayon naman sa isa sa mga nakasama ng mga biktima, una silang sinita at itinaboy ng tauhan ng manukan nang mapadaan sila sa lugar.

Gayunman, sinabi ng kasama na hinabol umano sila ng tauhan hanggang sa paputukan ng shotgun. Tinamaan ang dalawang biktima at kapwa nasawi, habang nakaligtas naman ang iba pa nilang kasama.

--Ads--

Naaresto na ang tauhan ng manukan na sinasabing sangkot sa pamamaril. Wala pa itong pahayag kaugnay sa insidente.