--Ads--

Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang mga hakbang laban sa African Swine Fever (ASF) matapos maglabas ng Executive Order noong Setyembre 7 para sa recalibration ng mga hakbang sa prevention, control at eradication ng sakit sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helen Sevilla, Isabela Provincial Veterinarian, sinabi nitong kabilang sa mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa backyard slaughtering at pagtiyak na ang mga ibinebentang karne ay nagmumula sa mga awtorisadong slaughterhouse.

Ayon kay Dr. Sevilla, kasama rin sa mga hakbang ang mahigpit na pagpapatuqpad ng Barangay Bantay ASF Program, kung saan hindi dapat ilabas sa quarantine area ang mga hayop at kinakailangang agad na ireport ang mga hinihinalang kaso ng ASF.

Naglagay na rin ng mga checkpoint ang mga municipal local government units sa kanilang mga nasasakupan upang mabantayan ang mga pumapasok at lumalabas sa kanilang lugar.

--Ads--

Aniya, bilang suporta, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng mga disinfectant na maaaring gamitin sa pag-spray sa mga gulong ng mga sasakyang pumapasok sa mga lugar.

Nagsasagawa rin ng awareness campaign hinggil sa ASF at mga paraan upang maiwasan ang pagkalat nito.

Nakipagpulong na rin ang mga kinauukulan sa mga barangay captain upang talakayin ang mga control measures na kinakailangang ipatupad sa kanilang mga komunidad.

Bukod sa pamamahagi ng disinfectant, sinimulan na rin ang pagdi-disinfect sa mga kulungan ng baboy na tinamaan ng ASF gamit ang flame o apoy upang matiyak na mapapatay ang virus.

Sinimulan ang naturang hakbang nitong Setyembre 8 sa bayan ng Alicia, na may pinakamaraming naitalang kaso ng ASF, at inaasahang tuloy-tuloy itong isasagawa.

Samantala, sinabi rin ni Dr. Sevilla na iko-commercialize na ng Department of Agriculture o DA ang paggamit ng ASF vaccine.

Gayunman, tanging mga baboy na 4 weeks old pataas hanggang grower stage ang maaaring mabakunahan. Hindi maaaring mabakunahan ang mga gilt, boar at sow dahil ang target ng programa ay mga baboy na para sa fattening.

Dagdag pa ni Dr. Sevilla, bago ang pagbabakuna, kinakailangan munang magsagawa ng blood sampling o blood collection upang matiyak na negatibo sa ASF ang mga baboy na babakunahan.

Ang mga nais namang makabili ng bakuna ay kinakailangang may kaukulang prescription mula sa isang lisensyadong beterinaryo.

Ayon kay Dr. Sevilla, nasa 90 porsiyento umano ang bisa ng bakuna, batay sa impormasyon ng Department of Agriculture.

Gayunman, hindi pa ito available sa Region 2 dahil naubos na ang unang stock na binili ng DA at hinihintay pa ang susunod na suplay.

Samantala, awtomatikong makatatanggap ng indemnification mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga hog raisers na may PCIC coverage at naapektuhan ng ASF.

Para naman sa mga hindi naka-enroll sa PCIC, pinag-a-accomplish pa rin ang mga kinakailangang dokumento at isinusumite sa regional office para humiling ng pondo para sa kanilang posibleng indemnification.