Limang katao ang nasawi habang 42 naman ang nailigtas matapos masunog ang isang pampasaherong barko na may sakay na mahigit 100 katao sa karagatan ng Coron, Palawan nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Philippine Coast Guard o PCG Commodore Jane Gesulgon, District Commander sa Palawan, nagmula sa Baseco, Maynila ang MV Jun Aster at patungong Coron nang sumiklab ang sunog bandang alas-6:45 ng gabi.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente.
Batay sa passenger manifest, mayroong 117 pasahero at 17 crew members na sakay ng barko.
Nangyari ang insidente sa karagatang nasa humigit-kumulang 1.2 nautical miles northeast ng Barangay Marcilla sa Coron.
Agad namang nakipag-ugnayan ang PCG sa Coast Guard Sub-Station sa Turda at Tara, Bureau of Fire Protection, MDRRMO at lokal na pamahalaan ng Coron, gayundin sa mga shipping line na may mga barkong nakaangkla sa Port of Coron upang mapabilis ang rescue at assistance operations.
Ipinadala rin sa lugar ang mga tauhan ng Maritime Environmental Protection Unit Northeastern Palawan at Coast Guard Special Operations Group upang magsagawa ng search and rescue operations at tumulong sa mga sakay ng barko.
Samantala, tumulak ang BRP Suluan mula sa Port of San Fernando sa El Nido patungo sa lugar ng insidente upang magbigay ng karagdagang tulong.
Patuloy namang minomonitor ng PCG ang sitwasyon habang nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng pasahero at crew members.










