Patunay umano na may magandang resulta ang seryoso at tuloy-tuloy na pagtutok sa edukasyon ang pag-angat ng performance ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025, ayon sa Teacher’s Dignity Coalition.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Benjo Basas, Chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition, sinabi niyang magandang indikasyon ang improvement sa performance ng mga mag-aaral, partikular sa reading kung saan kabilang umano ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalaking pag-angat sa lahat ng lumahok sa PISA 2025.
Gayunman, iginiit ni Basas na hindi dapat mauwi sa pagdiriwang lamang ang naturang improvement, dahil mas mahalagang mapanatili at mapalakas ang mga nakamit na gains sa edukasyon.
Aniya, ipinapakita ng resulta na kapag binibigyan ng sapat na atensyon at suporta ang edukasyon, nagkakaroon ng konkretong epekto sa performance ng mga mag-aaral.
Hindi naman niya direktang iniuugnay sa bagong curriculum ang pag-angat sa PISA, dahil phased pa ang implementasyon nito at mahirap pa umanong masukat sa ngayon ang epekto nito sa resulta. Mas nakikita niya ang malaking ambag ng mga intervention program ng DepEd, LGUs at iba pang ahensya ng pamahalaan, partikular sa pagbasa at iba pang learning interventions.
Dahil dito, sinabi ni Basas na hindi maaaring iisang programa lamang ang iugnay sa improvement dahil kombinasyon ito ng mga hakbang at suporta mula sa iba’t ibang sektor.
Kasabay nito, nanawagan siya sa pamahalaan na seryosohin ang paglalaan ng sapat na pondo para sa public school system, kabilang ang learning materials, kagamitan at iba pang kinakailangang resources ng mga paaralan.
Binigyang-diin din ni Basas na kailangang palakasin ang mga guro dahil sila ang nasa frontline ng edukasyon. Kabilang dito ang sapat na kagamitan at suporta, gayundin ang pagpapabuti sa kanilang socioeconomic condition, kasama na ang usapin ng sahod.
Aniya, kung nais pang mapataas ang performance ng Pilipinas sa mga susunod na PISA assessment, hindi lamang dapat nakatuon ang pamahalaan sa paghahanda para sa pagsusulit kundi sa araw-araw na pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.










