Inakusahan ng kampo ni Senator Loren Legarda at ng anak nitong si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste ang Office of the Ombudsman ng umano’y political persecution kaugnay ng solar energy business ng kongresista.
Ayon kay Atty. Tony La Viña, tagapagsalita ni Legarda, walang ginawang ilegal o maling hakbang ang senador at ang kaniyang anak kaugnay sa negosyo.
Giit ni La Viña, wala pang pormal na kaso laban sa dalawa dahil nasa preliminary investigation pa lamang ang reklamo.
Iniimbestigahan sina Legarda, Leviste at dating Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng mga alegasyon sa solar energy companies ni Leviste at mga government contracts.
Samantala, itinanggi ni La Viña na may kaugnayan si Legarda sa pagpapatakbo ng Solar Para sa Bayan Corporation o iba pang kompanya ni Leviste, at sinabing hindi sapat ang pagiging mag-ina bilang batayan ng pananagutan.
Tinawag din niyang “political persecution” at “lawfare” ang imbestigasyon, at iginiit na hindi dapat ituring na krimen ang kabiguan ng isang negosyo na maisakatuparan ang mga plano nito.











