Sinabi ni Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Jonvic Remulla na ibinasura na ang asylum request ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Remulla, natapos na ang limang buwang proseso ng asylum application ni Roque at maaari umanong isailalim sa kustodiya ng mga awtoridad kapag naglabas ng Red Notice ang International Criminal Police Organization o Interpol laban sa kanya.
Gayunman, hindi tinukoy ni Remulla kung aling bansa ang nagdesisyon sa asylum application ni Roque. Sinabi rin niyang kailangan pa niyang kumpirmahin ang detalye dahil hindi siya ang direktang humahawak sa proseso.
Itinanggi naman ni Roque ang pahayag ni Remulla at iginiit na hindi pa ibinasura ang kanyang asylum application. Ayon sa kanya, dapat hintayin ang magiging opisyal na desisyon ng Austrian authorities bago sabihing denied na ang kanyang aplikasyon.
Matatandaang kinumpirma ni Roque noong Nobyembre 2025 na nag-apply siya ng asylum sa Netherlands noong Marso ng parehong taon. Kalaunan, iniugnay ang kanyang aplikasyon sa Austria matapos siyang payuhan na doon ipagpatuloy ang proseso dahil Austria ang nag-isyu ng kanyang visa.
Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. Itinanggi naman niya ang mga alegasyon laban sa kanya.
Samantala, sinabi na ng pamahalaan na humiling ito sa Interpol ng Red Notice laban kay Roque.











