Umabot sa 50 motorista ang natiketan ng mga awtoridad sa Santiago City sa isinagawang operasyon noong nakaraang linggo dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Abuendia, Officer-in-Charge ng Land Transportation Office o LTO-Santiago, sinabi niyang 42 violators ang kanilang naitala habang 8 naman ang nahuli ng mga deputized personnel ng Philippine National Police kaya umabot sa kabuuang 50 traffic violators.
Pinakamarami sa mga naitalang paglabag ang hindi pagsusuot ng seatbelt na umabot sa 40 kaso.
Ayon sa mga awtoridad, may ilang motorista na maaaring nag-aakalang hindi mapapansin ng mga traffic enforcer ang kanilang paglabag ngunit malinaw pa rin itong nakikita ng mga nagpapatupad ng batas-trapiko.
Kasunod nito ang mga paglabag na may kaugnayan sa defective at unauthorized vehicles, pagmamaneho nang walang lisensya, at unauthorized modifications sa mga sasakyan.
May iba pang paglabag din sa batas-trapiko na naitala ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon.
Samantala, tiniyak ng LTO-Santiago na magpapatuloy ang kanilang pagpapatupad ng mga batas-trapiko upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.











