Nanawagan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC sa mga miyembro ng ICT, hacking at computer communities na makipagtulungan sa pamahalaan kaugnay ng imbestigasyon sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato na iniuugnay sa impluwensiya ng dark web.
Sinabi ni CICC Executive Director Alexander “Aboy” Paraiso na hinihikayat nila ang mga may kaalaman o access sa mga online platforms at komunidad na may kaugnayan sa dark web na lumantad at tumulong sa mga awtoridad.
Ayon kay Paraiso, kinikilala ng pamahalaan na kailangan nito ang tulong at kaalaman ng mga eksperto sa information and communications technology upang mas maunawaan ang mga banta na nagmumula sa internet at mapigilan ang mga kahalintulad na insidente.
Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government na ang suspek sa pamamaril sa Banga National High School ay may matinding pagkakalantad umano sa deep at dark web, habang inihayag naman ng pulisya na nahilig ito sa online content na nagpapakita ng karahasan.
Ipinaliwanag ng CICC na ang dark web ay bahagi ng internet na hindi naa-access sa karaniwang web browsers at kadalasang nangangailangan ng espesyal na software upang mapasok. Dito rin umano matatagpuan ang ilang ilegal na aktibidad tulad ng bentahan ng ipinagbabawal na baril at mga online forum na gumagamit ng anonymous na pagkakakilanlan.
Samantala, pinayuhan ng CICC ang mga magulang na mas tutukan ang online activities ng kanilang mga anak at bantayan ang mga pagbabago sa kanilang asal at pakikisalamuha upang maagapan ang posibleng negatibong impluwensiya mula sa internet.










