Kritikal ang kondisyon ng isa sa mga estudyanteng nasugatan sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato at kasalukuyang nasa intensive care unit o ICU ng isang ospital.
Ayon kay Banga MDRRMO head Joseph Franco, isinugod ang estudyante sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City para sa karagdagang obserbasyon at gamutan.
Tatlo namang sugatan ang nakalabas na ng ospital at naiuwi na sa kanilang mga tahanan, habang tatlo pa ang inilipat sa dalawang pribadong ospital sa Koronadal City.
Ayon kay Franco, pito ang nasugatan at tatlo ang nasawi, kabilang ang suspek sa pamamaril. Lahat ng mga sangkot ay Grade 9 students.
Samantala, sinabi ni Franco na mahigit 3,000 ang populasyon ng Banga National High School ngunit isang security guard lamang ang nakatalaga sa pangunahing gate.
Patuloy namang bineberipika ng pulisya ang motibo at iba pang detalye kaugnay ng insidente.
Suspendido ang klase sa mga pampublikong paaralan sa Banga sa Setyembre 21 upang magsagawa ng pagpupulong ang mga school officials, PNP at iba pang kinauukulang ahensya para talakayin ang insidente at mga hakbang upang maiwasan itong maulit.
Iniutos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa pamamaril at tiniyak ang tulong ng pamahalaan sa mga biktima at kanilang pamilya.











