--Ads--

Nagbigay-pugay ang House of Representatives nitong Lunes, Setyembre 21, sa yumaong si Quirino Governor at dating kongresista Dakila Carlo “Dax” Cua sa isinagawang necrological service sa plenary hall.

Sa kanyang eulogy, inalala ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Cua bilang isang dedikadong lingkod-bayan at tagapagtaguyod ng local governance na inuuna ang kapakanan ng mga taga-Quirino.

Nagbigay rin ng eulogy sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating House Speakers Feliciano Belmonte Jr. at Pantaleon Alvarez, Sen. JV Ejercito, Majority Leader Sandro Marcos, at iba pang opisyal at kaibigan ng gobernador.

Pumanaw si Cua noong Setyembre 15 sa edad na 48.

--Ads--

Nagsilbi siya bilang kinatawan ng lone district ng Quirino mula 15th hanggang 17th Congress bago muling naging gobernador ng lalawigan noong 2019.

Sa kanyang panunungkulan sa Kamara, naging chairman si Cua ng Committees on Ecology at Ways and Means at naging principal author ng Free Internet Access in Public Places Act at Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act.

Naging presidente rin siya ng Union of Local Authorities of the Philippines, chairman ng League of Provinces of the Philippines, at presidente ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific.