Dalawang indibidwal, kabilang ang isang konsehal, ang nahaharap ngayon sa kaso dahil sa kanilang hayagang pagtutol sa mining exploration sa Barangay Pao, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Kabilang dito si Donny Dugay, lider ng isa sa mga anti-mining barricade sa lugar, na nahaharap sa kasong grave coercion.
May warrant of arrest din si Kasibu Municipal Councilor Anthony Glenn Guingayan Sr. kaugnay ng kasong cyberlibel na may kinalaman sa mga social media post tungkol sa North Luzon Mineral Resources Corporation o NLMRC at sa mining dispute sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, anti-mining leader, sinabi niyang boluntaryong sumuko si Dugay sa mga awtoridad kaugnay ng kasong grave coercion.
Ayon kay Daynos, dinala pa rin umano si Dugay ng mga pulis sa korte matapos itong sumuko sa himpilan ng pulisya.
Samantala, sinabi ni Daynos na si Guingayan ang tanging opisyal umano sa Kasibu na hayagang tumututol sa operasyon ng NLMRC.
May inirekomenda namang piyansa na nagkakahalaga ng P252,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Kabilang din umano si Daynos sa mga kinasuhan ng cyberlibel kaugnay ng kanyang social media post tungkol sa umano’y pagtanggap ng ilang opisyal ng Barangay Pao ng pera mula sa NLMRC.
Sinabi ni Daynos na nakapagpiyansa na siya at naayos o dismissed na ang naturang kaso.
Nakapagpiyansa na rin umano ang 11 indibidwal na una nang naaresto kaugnay ng anti-mining barricade.
Samantala, walong indibidwal pa ang sinasabing nahaharap sa tig-tatlong kaso, na may tinatayang kabuuang piyansa na ₱864,000.
Ayon kay Daynos, wala pa umanong inilalabas na warrant of arrest laban sa walong indibidwal.
Samantala, nadagdagan na umano ang anti-mining barricades sa Barangay Pao at umabot na sa siyam ang kabuuang bilang nito.
Ipinaliwanag ni Daynos na maraming entry point sa barangay kaya nagdagdag sila ng mga barikada upang harangin ang pagpasok ng NLMRC.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga awtoridad at mga concerned group habang nagpapatuloy ang legal na proseso sa mga kasong kinakaharap ng ilang indibidwal.










