Itinatayo na ang bagong pumping station na inaasahang makatutulong sa pagtugon sa problema sa mahina at hindi sapat na suplay ng tubig sa ilang lugar sa poblacion at District 3 ng Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Jaymar Ramos, Construction and Maintenance Division Officer na namamahala sa proykto, sinabi nitong nakumpleto na ang pangunahing istruktura ng pumping station at kasalukuyan na ang pagkakabit ng mga discharge pipe na ikokonekta sa mga umiiral na linya ng water distribution.
Target ng proyekto na matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa tubig, partikular ang pagpapataas ng pressure at pagpapalakas ng distribusyon nito sa mga lugar na nakararanas ng mababang suplay.
Ayon kay Ramos, isa sa mga dahilan ng problema sa suplay ng tubig ang kakulangan ng sapat na pumping station at mga kagamitang kinakailangan upang maihatid ang tubig sa mga lugar na nangangailangan nito.
Inaasahang magiging operational at makokonekta sa distribution system ang bagong pumping station sa loob ng humihit kumulang isang buwan depende sa magiging takbo umano ng installation ng mga kinakailangang tubi.
Kasabay nito, binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagtitipid ng tubig, lalo na sa panahon ng El Niño na maaaring makaapekto sa mga pinagkukunan ng tubig sa ilalim ng lupa.
Hinikayat naman ang mga residente na gamitin lamang ang kinakailangang dami ng tubig, maglaan ng sapat na imbakan, at iwasan ang anumang uri ng pag-aaksaya habang isinasagawa ang mga hakbang upang mapabuti ang suplay.
Patuloy din umanong minomonitor ang kalidad ng tubig at isinasagawa ang mga pagsusuri sa laboratoryo upang matiyak na ligtas at malinis ang suplay na matatanggap ng mga mamamayan.
Samantala, naitala rin ang pagbuti ng suplay ng tubig sa ilang lugar matapos maisagawa ang mga pumping facility. Gayunman, nananatiling kabilang sa mga pangunahing tinututukan ng mga kinauukulan ang pagpapalakas ng water distribution system sa buong lugar.










