Target ng House prosecution panel na busisiin ang mga baril, ari-arian at government contracts na nakapangalan umano kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa, bilang bahagi ng ebidensyang ilalatag laban sa alegasyon ng unexplained wealth sa impeachment trial.
Ayon kay prosecution counsel at legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr., kabilang sa mga susunod na haharap sa Senate impeachment court ang mga kinatawan ng PNP Firearms and Explosives Office upang matukoy kung may mga baril na nakarehistro sa pangalan ng Bise Presidente o ng kanyang asawa na hindi umano naideklara sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Bukod dito, sinabi ni Tolosa na sisilipin din ng prosekusyon ang mga rekord mula sa Register of Deeds upang matukoy kung may mga real property na nakapangalan sa mag-asawa na hindi rin umano isinama sa kanilang SALN.
Kasama rin sa target na ebidensya ang mga rekord mula sa PhilHealth Regional Office XI upang matukoy kung may mga kontrata sa pamahalaan ang mga kumpanyang sinasabing may financial interest ang Bise Presidente.
Nauna nang iniharap ng prosekusyon ang mga rekord mula sa Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS na nagpapakita ng government contracts na kinasasangkutan ng GenCorp Industries, isa sa mga kumpanyang iniulat na idineklara ni Duterte sa kanyang SALN.
Samantala, kabilang din sa mga inaasahang saksi ng prosekusyon si dating Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV, na nakatakdang humarap sa impeachment court sa mga susunod na araw.
Ayon kay Tolosa, kabilang si Trillanes sa mga testigong inaasahang makapagbibigay ng karagdagang ebidensya sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.
Nauna nang inakusahan ni Trillanes ang pamilya Duterte ng pagtanggap umano ng pera mula sa illegal drug trade.
Plano rin umano ng prosekusyon na isama sa mga susunod na testigo ang isang executive ng Anti-Money Laundering Council o AMLC, kung magkakaroon pa ng sapat na oras para sa presentasyon ng kanilang mga ebidensya.
Layunin ng prosekusyon na gamitin ang mga rekord at testimonya upang suportahan ang alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte at siyasatin kung may mga ari-arian o financial interests na hindi umano naipahayag sa kanyang SALN.











