Arestado ng mga awtoridad ang isang 34-anyos na dating squad leader ng isang dismantled rebel group na wanted sa kasong murder at attempted murder sa Barangay Tanulong, Sagada, Mountain Province noong Setyembre 24.
Ayon sa ulat ng Mountain Province Police Provincial Office o MPPPO, hindi muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng suspek na kinilala bilang dating squad leader ng nabuwag na Kilusang Larangang Gerilya o KLG Montes/Leonardo Pacsi Command.
Nasa Philippine National Police o PNP Periodic Status Report Threat Groups o PSRTG Watchlist din umano ang suspek noong fourth quarter ng 2020.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng mga warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 36 sa Bontoc, Mountain Province, kaugnay ng mga kasong murder at attempted murder.
Dinala na sa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang proseso ng batas.











