Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi habang dose-dosenang iba pa ang nawawala matapos tumaob ang isang sasakyang-dagat sa Lake Kivu sa silangang bahagi ng Democratic Republic of Congo o DRC.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, higit 50 katao ang sakay ng vessel nang mangyari ang insidente noong Sabado ng gabi malapit sa Idjwi Island sa South Kivu province. Tinatayang 15 katao naman ang nailigtas.
Sakay ng sasakyang-dagat ang mga fish trader at kanilang mga kargamento mula Bwina sa Idjwi Island patungong Boza nang ito ay tumaob. Hindi pa malinaw ang sanhi ng insidente.
Ipinakita sa ilang video mula sa lugar ang mga residente at iba pang pasahero na tumutulong sa pagkuha ng mga katawan mula sa lawa.
Karaniwan ang mga aksidente sa mga sasakyang-dagat sa DRC, kung saan pangunahing paraan ng transportasyon ang mga ilog at lawa. Madalas ding naiulat ang pagsisiksikan ng mga pasahero at kargamento at hindi paggamit ng life jacket.
Ang insidente ay naganap ilang araw matapos mamatay ang hindi bababa sa 41 katao nang tumaob din ang isang bangka sa Lake Tanganyika sa DRC.









