Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang mabagal na aksyon ng Professional Regulation Commission o PRC sa mga kasong kinasasangkutan ng mga doktor na inaakusahan ng medical malpractice, kabilang ang ilang insidenteng nauwi umano sa pagkamatay ng mga pasyente.
Sa budget hearing ng Senado para sa Department of Labor and Employment at mga attached agency nito, binanggit ni Tulfo ang isang kaso noong 2017 kung saan namatay umano ang isang pasyente matapos sumailalim sa ilang procedure nang sabay-sabay.
Ayon kay Tulfo, hindi isinailalim sa preventive suspension ang doktor na sangkot sa kaso at kamakailan ay may panibagong insidenteng kinasangkutan umano nito na nauwi rin sa pagkamatay ng pasyente.
Kinuwestyon ng senador kung bakit umabot ng tatlong taon bago naisampa ang kaso at hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba, halos siyam na taon matapos ang unang insidente.
Sinabi ni Tulfo na dapat ay agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang PRC at pinag-isipang isailalim sa preventive suspension ang doktor upang maiwasan ang panibagong insidente.
Samantala, sinabi ni PRC Chairman Charito Zamora na naisampa ang kaso sa Board of Medicine noong 2021 at nananatili pa rin ito sa antas ng board.
Nangako rin ang PRC na magsasagawa ng sariling imbestigasyon sa mas bagong kaso.
Samantala, sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na magpupulong ang PRC at Board of Medicine para sa fact-finding investigation at tutukuyin kung may dapat kasuhan sa insidente.
Inatasan din ni Tolentino ang agarang inspeksyon sa beauty clinic kung saan nangyari ang insidente upang malaman kung may paglabag sa Labor Code.











