Ibinahagi ng isang guro ang kaniyang karanasan at papel sa paghubog sa kinabukasan ng mga kabataan kasabay ng pagdiriwang World Teachers’ Month ngayong buwan ng Oktubre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rolavilla Viloria Bartolome, Teacher III at nagtuturo sa Luis-Fe Gomez Diamantina National High School, sinabi nito na bagama’t hindi madali ang maging isang guro subalit itinuturing niya ito bilang isang daan upang matulungan ang mga kabataan na mabago at mapabuti ang kanilang buhay.
Aniya, sa mahigit dalawang dekada niyang pagututuro, hindi maiiwasan na masubok din ang kaniyang kakayahan bilang guro lalo na sa tuwing mayroong mga estudyante na hirap mag-aral.
Gayunpaman, hindi niya sinusukuan ang mga ito dahil naniniwala siya na sa pamamagitan ng mga karunungang kaniyang maipagkakaloob sa kaniyang mga estudyante ay maaaring mabago ang kanilang buhay na makatutulong hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa buong bansa.
Maliban sa pagiging isang guro, si Bartolome ay isa ring solo parent kaya naman malaking hamon din para sa kaniya ang pagbalanse sa oras sa pamilya at trabaho.
Aniya hindi niya maaaring pabayaan ang kaniyang trabaho dahil iyon ang bumubuhay sa kanyang pamilya. Tinitiyak niya na ang mga problema sa paaralan ay hindi nito naiuuwi sa kanilang tahanan at ang mga problema naman sa pamilya ay hindi nito naidadala sa trabaho upang mas maging organisado at balanse ang kanyang responsibilidad at tungkulin bilag guro at magulang.
Simula nang siya ay magturo, mas lumalim aniya ang kaniyang pagiging Ina dahil magkakaiba umano ang sitwasyon ng mga batang kanyang tinuturuan kaya bilang Ina sa paaralan ay mas lumalalim din ang kanyang pag-unawa.
Nakaka-proud aniya sa tuwing nakikita niya ang mga batang tinuruan niya noon na successful na ngayon sa buhay sa pamamagitan ng propesyong kanilang tinahak.
Sa tuwing dumarating ang world teachers’ day, nakakataba umano ng puso ang mga pagbati at mensahe na kaniya natatanggap mula sa kaniyang mga estudyante na talagang tumatatak sa kaniyang puso at isipan.
Samantala, nanawagan naman siya sa mga kapwa niya guro na dagdagan ang pasensya at pag-unawa sa mga mag-aaral sapagkat ang kanilang kinabukasan ay nakasalalay sa kanilang pagtuturo, at pagbibigay ng inspirasyon, dedikasyon, at pag-asa.
Pinayuhan din niya ang mga mag-aaral na huwag sumuko kahit gaano man kahirap ang buhay-estudyante dahil ang pagkakaroon ng magandang buhay ay nakasalalay sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkakaroon ng disiplina.











