Lumalala na umano ang kilos-protesta ng mga estudyante sa France at tila out of control, ayon sa hepe ng pulisya sa Paris, kasunod ng sunod-sunod na sagupaan at insidente ng paninira sa ilang bahagi ng bansa.
Nanawagan si Paris Police Chief Patrice Faure sa mga demonstrador na itigil ang karahasan at school blockades at sa halip ay ihayag ang kanilang mga hinaing sa mapayapang paraan.
Mula nitong Lunes, nasa 5,000 katao na umano ang naaresto sa buong France, karamihan ay mga teenager, habang dose-dosenang katao ang nasugatan. Mahigit 600 pulis naman ang nagtamo rin ng injuries sa gitna ng mga protesta.
Nitong Biyernes, nakipagsagupaan ang riot police sa mga high school student sa ilang lugar, habang nanawagan naman ang mga guro na itigil na ang mga protesta.
Nagsimula ang mga pagkilos dahil sa reklamo ng mga estudyante sa siksikang classroom, kakulangan ng mga guro at hindi maayos na kondisyon ng mga school building na iniuugnay nila sa kakulangan ng pondo.
Nakatakda namang magsagawa ng nationwide demonstration ang mga student union sa Martes, kung saan nangangamba ang mga awtoridad na maaari itong mauwi muli sa karahasan, lalo na sa Paris.











