Nasugatan ang tatlong katao matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa National Highway sa harapan ng isang gasoline station sa Barangay Sillawit, Cauayan City, Isabela.
Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, sangkot sa aksidente ang isang Rusi 150 na may berdedng side car at walang plaka, at isang itim na Honda Click 125.
Kapwa binabagtas ng dalawang motorsiklo ang naturang highway patungong timog o southbound papuntang Alicis, Isabela. Nasa shoulder ng kalsada ang tricycle habang nasa inner lane naman ang motorsiklo.
Pagdating sa lugar ng aksidente, bigla umanong kumaliwa ang tricycle dahilan upang sumalpok ang motorsiklo sa kaliwang bahagi nito.
Sa naturang banggaan, nagtamo ng pinsala sa kaliwang paa ang driver ng tricycle habang nagtamo naman ng iba’t ibang injury sa katawan ang driver at backrider ng motorsiklo.
Agad namang rumesponde ang rescue team at isinugod ang tatlong nasugatan sa mga pagamutan para sa kaukulang atensyong medikal.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang mga sangkot na behikulo.











