--Ads--

Tiniyak ng Veterinary Office ng Cauayan City na sapat ang suplay ng bakuna laban sa rabies, sa kabila ng patuloy na banta ng sakit na karaniwang naipapasa sa tao sa pamamagitan ng kagat ng hayop na may rabies.

Sa panayam sa programa, sinabi ni Dr. Ronald Dalauidao, Veterinary Officer ng Cauayan City, na tinatayang 70 porsiyento ng mga kaso ng rabies sa tao ay nagmumula sa kagat ng aso, kung saan malaking bahagi umano ng mga ito ay mula mismo sa mga alagang aso.

Binigyang-diin ni Dr. Dalauidao na walang problema sa suplay ng anti-rabies vaccine at nananatiling sapat ang kanilang bakuna para sa mga nangangailangan ng post-exposure vaccination, partikular na sa mga nakagat o nakalmot ng hayop.

Paalala naman ng opisyal na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang anumang kagat o kalmot ng hayop dahil maaaring mauwi ito sa rabies kapag hindi agad nabigyan ng nararapat na atensyon.

--Ads--

Hinikayat niya ang publiko na agad magtungo sa pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center sakaling makagat o makalmot ng hayop, sa halip na hintaying lumitaw ang mga sintomas ng sakit.

Samantala, pinaalalahanan din ang mga pet owner na tiyaking bakunado laban sa rabies ang kanilang mga alagang aso bilang mahalagang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at mabawasan ang panganib ng human rabies cases.