Nilinaw ng Department of Justice o DOJ na hindi pa maituturing na fugitive from justice si Batangas Representative Leandro Leviste sa kabila ng inilabas na warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng umano’y paglabag sa Public Service Act.
Sa isang press briefing, sinabi ni Officer-in-Charge Senior Deputy State Prosecutor Herbert Calvin Abugan na may proseso pang kailangang sundin bago maideklarang fugitive from justice ang isang akusado.
Aniya, bibigyan muna ng korte si Leviste ng pagkakataong humarap at sumailalim sa hurisdiksyon nito.
Matatandaang naglabas ng warrant of arrest ang Makati Regional Trial Court Branch 235 laban kay Leviste kaugnay ng kasong isinampa ng DOJ noong Setyembre 29.
Sa kasalukuyan, nasa France si Leviste upang asikasuhin ang kanyang ina na si Senator Loren Legarda na nasa medical leave.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na ang mga prosecutor ang magpapasya sa magiging direksyon ng kaso, kabilang ang mga posibleng hakbang gaya ng pagdeklara sa isang akusado bilang fugitive from justice at pagkansela ng pasaporte.
Muli ring hinimok ng DOJ si Leviste na kusang humarap sa korte at sumailalim sa proseso ng batas.
Ayon pa kay Abugan, nakakita ang DOJ ng prima facie evidence at makatwirang posibilidad ng pagkakahatol laban kay Leviste at sa iba pang akusado kaugnay ng umano’y pagkabigong tuparin ng kanilang kumpanya ang mga obligasyon nito sa ilalim ng batas.
Samantala, nakapagpiyansa na ang dalawa sa mga kapwa akusado ni Leviste at nakatakda ang kanilang arraignment sa Oktubre 26, 2026.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Leviste sa kanyang mga tagasuporta na huwag mag-alala dahil aniya’y maliit na bagay lamang ang kinakaharap niyang kaso kumpara sa iba pang mga pangyayari sa bansa.











