Muling ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 nitong Biyernes, Oktubre 9, ang arraignment ni Vice President Sara Duterte sa kasong grave threats.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, legal counsel ni Duterte, minabuti ng presiding judge na huwag munang ituloy ang arraignment habang pinag-aaralan ang mga nakabinbing mosyon ng depensa.
Ikalawang beses na itong ipinagpaliban matapos unang itakda ang arraignment noong Setyembre 11.
Tumanggi namang ibunyag ni Lim ang bagong iskedyul at sinabing mas mainam na sa korte o prosekusyon manggaling ang anunsyo.
Kabilang sa pinag-aaralan ng hukom ang motion for partial reconsideration ad cautelam na inihain ng kampo ni Duterte sa RTC, gayundin ang petition for certiorari na inihain sa Korte Suprema.
Layunin ng mosyon sa RTC na hilinging baligtarin ng hukom ang naunang desisyon nitong tanggihan ang kahilingan ng depensa na mag-inhibit o umatras sa paghawak ng kaso.
Sa nakaraang pagdinig, tinanggihan ng hukom ang motion for inhibition ngunit pinayagan ang kahilingang ipagpaliban ang arraignment.
Humiling din ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order o TRO kaugnay ng kaso.
Matatandaang naghain ang Department of Justice ng tatlong bilang ng kasong grave threats laban kay Duterte noong Agosto 11, kaugnay ng mga pahayag niya sa isang online press conference noong 2024.











