--Ads--

Patuloy ang pag-alalay ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura sa gitna ng matinding epekto ng tagtuyot na dulot ng El Niño sa bansa.

Bilang bahagi ng hakbang na ito, nagpaabot ng tulong pinansyal ang Department of Agriculture o DA, katuwang ang City Agriculture Office, sa mga lokal na magsasakang direktang naapektuhan ng tagtuyot sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, kinumpirma nitong umabot sa 1,330 magsasaka ang pormal na nakatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng ₱2,335 bawat isa.

Ayon kay Alonzo, layunin ng naturang pondo na kahit paano ay makatulong sa mga magsasakang makabawi sa mabigat na pasaning kanilang kinakaharap, lalo na sa kakulangan ng tubig at mataas na gastos sa produksyon, kabilang ang krudo at abono.

--Ads--

Samantala, hinikayat ng tanggapan ang mga magsasaka na pansamantalang magtanim na lamang ng mga alternative crops partikular ang mga pananim na hindi masyadong nangangailangan ng tubig.

Ito ay upang maiwasan ang matinding pagkalugi sa gitna ng nararanasang tagtuyot dulot ng tagtuyot.