Umabot sa ₱167.25 bilyon ang nalikom ng administrasyong Marcos mula sa ika-32 retail Treasury bond o RTB offering, na lumampas sa ₱150 bilyong target ng pamahalaan matapos ang isang linggong alok ng mga investment bond.
Ayon sa Bureau of the Treasury o BTr, ₱84.86 bilyon ang nalikom sa rate-setting auction noong Setyembre 29, habang ₱82.39 bilyon naman ang nakuha sa offer period na tumagal hanggang Oktubre 7.
Gayunman, mas mababa ng 61 porsiyento ang nalikom ngayong taon kumpara sa ₱425.51 bilyon na naitala sa kaparehong pagbebenta noong nakaraang taon.
Ang bagong RTBs ay may interest rate na 6.875 porsiyento at nakatakdang mag-mature sa Abril 12, 2029. Maaari itong bilhin ng maliliit na mamumuhunan sa halagang ₱5,000 sa pamamagitan ng mga tradisyonal at online na investment platform.
Bahagi ang pagbebenta ng RTBs sa programa ng pamahalaan na manghiram ng ₱892 bilyon sa lokal na merkado sa ikaapat na quarter ng 2026 upang matustusan ang mga pangangailangan nito at makatulong sa pagpopondo sa kakulangan sa pambansang badyet.










