Sinabi ng Malacañang na handang magbigay ng proteksyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hindi lamang kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kundi maging sa mga biktima ng extrajudicial killings.
Ito ang tugon ng Palasyo sa panawagan ni Dela Rosa na siya ay mabigyan ng proteksyon kaugnay ng mga kasong kinakaharap niya.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, lahat ng mamamayan maging akusado man o biktima ay may karapatang protektahan ng gobyerno basta ito ay naaayon sa batas.
Binigyang-diin din niya na matagal nang nananawagan ng hustisya ang mga pamilya ng mga biktima ng EJK.
Dagdag pa ng Palasyo, sakaling maaresto si Dela Rosa, dapat pa ring igalang at ipatupad ang kanyang mga karapatan bilang akusado sa ilalim ng batas.
Samantala ayon naman kay Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna, bagama’t may tinatawag na “parliamentary immunity” ang mga senador sa ilang gawain sa loob ng lehislatura, limitado lamang ito at hindi saklaw ang mga kasong kriminal gaya ng crimes against humanity.
Dagdag pa niya, maaari pa ring arestuhin ang isang senador kung may umiiral na arrest warrant, ngunit inaasahan pa rin ang courtesy at proper coordination sa mga institusyon ng pamahalaan tulad ng Senado upang maiwasan ang anumang tensyon o sigalot sa pagpapatupad ng batas.
Ipinunto rin niya ang mga precedent tulad ng pagkakaaresto kina dating Senador Antonio Trillanes IV at Leila de Lima, na nagpatunay na ang pagiging opisyal ng gobyerno ay hindi awtomatikong hadlang sa pagsasampa at pagpapatupad ng mga kasong kriminal.










