--Ads--

Nagdudulot umano ng panganib sa kaligtasan ng mga motorista ang nga malalaking hayop gaya ng baka na malayang gumagala at humahambalang sa mga pampublikong kalsada sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, Cauayan City, sinabi nitong may mga pagkakataong namamataan ang mga hayop sa gitna ng kalsada, kung saan ang ilan ay nakahiga lamang at nagiging sagabal sa mga dumaraang motorista.

Ayon kay Acob, nagiging hamon sa kanila ang paghuli sa mga hayop dahil sa laki ng mga ito at sa pangangailangang habulin ang mga ito sa ilang pagkakataon.

Gayunman, sinabi niyang may mga pagkakataong wala silang nahuhuling baka sa kanilang operasyon, habang ang mga hayop na kanilang nahuhuli ay agad na dinadala sa City Veterinary Office para sa kaukulang proseso.

--Ads--

Kaugnay nito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga umiiral na ordinansa at ang pananagutan ng mga may-ari na tiyaking hindi makalalabas at malayang gagala ang kanilang mga alagang hayop sa mga pampublikong kalsada.

Layunin nitong maiwasan ang mga insidente at mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.