--Ads--

Umaasa ang mga tobacco farmer sa Reina Mercedes, Isabela na maayos na ang usapin sa pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa tobacco excise tax upang matanggap nila ang nararapat na halaga at magamit ito sa pagbabayad ng kanilang mga utang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ilang tobacco farmer sa bayan, sinabi nilang malaking tulong ang naturang pondo, lalo na sa gitna ng mataas na gastos sa pagtatanim ng tabako.

Ayon sa isa sa mga magsasaka, nasa ₱30,000 kada ektarya umano ang natatanggap nilang tulong noon, ngunit napansin nilang bumababa ang halaga nito sa mga sumunod na taon. Sa kanyang kaso, nakatanggap lamang siya ng ₱28,000 para sa 1.2 ektaryang taniman.

Dagdag pa nila, hindi umano sila nabibigyan ng malinaw na impormasyon tungkol sa kabuuang pondong inilaan para sa mga tobacco farmer at sa eksaktong halagang matatanggap ng bawat isa. Anila, tseke na lamang ang ibinibigay sa kanila sa oras ng payout, kaya tinatanggap na lamang nila ang nakasaad na halaga.

--Ads--

Ibinahagi rin ng mga magsasaka na malaking gastos ang pag-aalaga ng tabako mula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani at pagpapatuyo nito. Sa isang ektarya, kinakailangan nilang kumuha ng mga manggagawa na binabayaran ng tig-₱500 bawat araw, bukod pa sa kanilang meryenda sa umaga at hapon.

Ayon pa sa kanila, limitado rin ang kanilang budget sa pagtatanim, kabilang ang halagang tinatanggap mula sa Universal Leaf na tinukoy nilang nasa ₱3,000 kada ektarya, kaya napipilitan silang magdagdag mula sa sarili nilang bulsa upang maipagpatuloy ang gawain.

Dahil dito, umaasa silang madagdagan ang tulong pinansyal at maayos na ang mga usaping matagal nang nakabinbin upang matanggap nila ang pera at maipambayad sa kanilang mga pagkakautang.

Nagpasalamat din ang mga magsasaka kay Reina Mercedes Vice Mayor Atty. Harold Respicio sa pagtatanggol umano nito sa kanilang kapakanan at sa paglalantad ng mga problemang kinakaharap nila.

Nagpahayag din sila ng pasasalamat sa alkalde ng bayan sa mga hakbang nito para sa kaayusan sa Reina Mercedes.