--Ads--

Umaabot sa 86 na tobacco farmers mula sa iba’t ibang barangay sa Cauayan City ang nakatakdang makatanggap ng cash incentive mula sa tobacco excise tax ng pamahalaang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega, sinabi nito na isinailalim sa masusing beripikasyon ng City Council Committee ang listahan ng mga benepisyaryo upang matiyak na lehitimong tobacco farmers ang makatatanggap ng ayuda.

Ayon kay SP Member Arcega, aabot sa mahigit P4.8 milyon ang pondong nakalaan para sa naturang incentive kung saan bahagi nito ay ilalaan sa cash assistance ng mga magsasaka habang ang iba naman ay gagamitin para sa farm inputs gaya ng seeds at seeding trays.

Ipinaliwanag niya na kabilang sa mga naging usapin sa isinagawang pagpupulong ang pagkakaiba-iba ng halaga ng renta sa mga lupang tinataniman ng tabako dahilan upang magkaroon ng panawagang repasuhin ang sistema ng distribusyon ng ayuda lalo na sa susunod na tranche ng tobacco excise tax.

--Ads--

Sinabi pa ng konsehal na may hiwalay na alokasyon para sa mga tobacco farmer na umuupa lamang ng lupa at tinatayang makatatanggap ang ilan sa kanila ng mula P15,000 hanggang P20,000.

Kabilang sa mga dumalo sa isinagawang beripikasyon ang mga tobacco farmers mula sa mga barangay ng Villaluna, San Luis at iba pang low-lying areas ng lungsod kasama ang mga kinatawan ng City Agriculture Office at Universal Leaf.

Ayon pa kay SP Member Arcega, batay ang kanilang master list sa talaan mula sa Department of Agriculture (DA) at sa mga lehitimong nagtatanim ng tabako na isinumite ng mga kinauukulang ahensya.

Wala pa umanong kasama sa kasalukuyang distribusyon ang mga nagtanim noong 2025 dahil hinihintay pa ang susunod na tranche ng tobacco excise tax na ipamamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Hinimok naman ng konsehal ang mga magsasaka na pag-aralan ang pagtatanim ng tabako upang madagdagan pa ang kita at mapalago rin ang pondong nagmumula sa tobacco excise tax na makatutulong sa mga tobacco farmers ng lungsod.