Sinusuri ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 2 ang kalagayan ng mga Digital Transformation Center (DTC) sa Cauayan City, Isabela, upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga pasilidad at posibleng pagpapalawak ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Maggy Gomez, Chief of Technical Operation Division ng DICT Region 2, sinabi nitong bahagi ito ng monitoring visit ng kanilang tanggapan kasama ang mga kinatawan mula sa central office upang masuri ang operasyon at pasilidad ng mga DTC sa rehiyon.
Sa Cauayan City, mayroong 25 desktop computer units ang DTC na maaaring gamitin ng mga indibidwal at organisasyong nangangailangan ng computer facilities para sa kanilang mga pagsasanay.
Ayon kay Gomez, bukas ang mga pasilidad hindi lamang para sa mga training, kabilang ang mga may kaugnayan sa journalism, kundi maging sa mga mamamayang walang sariling computer ngunit kailangang magsagawa ng online transactions sa mga ahensya ng pamahalaan.
Kabilang dito ang pagkuha ng appointment sa Professional Regulation Commission (PRC), National Bureau of Investigation (NBI), Land Transportation Office (LTO), at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Samantala, nagpapatuloy ang monitoring ng DICT Region 2 sa mga Digital Transformation Center sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Batanes upang matukoy ang mga pasilidad na nangangailangan ng pag-upgrade at karagdagang computer units.
Batay sa resulta ng monitoring, maaaring magrekomenda ang ahensya ng pagpapalawak ng mga DTC na nangangailangan ng karagdagang pasilidad upang mas marami pang mamamayan ang makinabang sa mga serbisyong digital.











