--Ads--

Nakatakdang simulan sa ikalawang linggo ng Nobyembre 2026 ang voter registration sa Cauayan City bilang paghahanda sa 2028 National and Local Elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan City, sinabi niyang kabilang sa mga maaaring magparehistro ang mga bagong botante, magpapalipat ng rehistro at mga magpapa-activate ng kanilang voter registration.

Aniya, magkakaroon din ng satellite registration para sa mga persons deprived of liberty (PDL), senior citizen, persons with disabilities (PWD) at Indigenous Peoples upang mas mapadali ang kanilang pagpaparehistro.

Samantala, alinsunod sa bagong batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections mula 2026 patungong 2028, pansamantalang itinigil ng COMELEC ang mga aktibidad para sa nakatakda sanang halalan sa Nobyembre 2026, kabilang ang pag-iimprenta ng mga balota.

--Ads--

Ayon kay Atty. Vallejo, magagamit pa rin sa 2028 Barangay at SK Elections ang mga balotang naimprenta na para sa 2026 upang maiwasan ang pagsasayang ng mga ito.

Para sa mga susunod na anunsyo at iskedyul ng voter registration, pinapayuhan ang publiko na subaybayan ang opisyal na Facebook page ng COMELEC Cauayan City.