Ikinabahala ni Senator JV Ejercito ang tinatayang ₱206 bilyong pagbabago sa ₱7.2 trilyong 2027 national budget matapos itong amyendahan ng Kamara mula sa orihinal na panukalang budget ng administrasyon.
Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, kinuwestiyon ni Ejercito ang laki ng diperensya sa 2027 National Expenditure Program (NEP) at sa General Appropriations Bill (GAB) na ipinasa ng Kamara, partikular ang mga pondong binawasan at inilipat sa ibang programa.
Kabilang sa mga tinapyasan ang ₱130 bilyong pondo para sa foreign-assisted projects, na kinabibilangan ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway; ₱9.5 bilyong calamity fund sa gitna ng banta ng matinding El Niño; at ₱4.5 bilyong budget para sa Health Facilities Enhancement Program.
Binawasan din ng ₱4 bilyon ang pondo para sa immunization, habang dinagdagan naman ng ₱23.9 bilyon ang Medical Assistance Program. Sa Department of Public Works and Highways (DPWH), tinapyasan ng ₱2.6 bilyon ang pondo para sa right-of-way ngunit dinagdagan ng ₱13 bilyon ang mga proyektong may kaugnayan sa konstruksyon, maintenance, rehabilitation at road widening.
Napansin din ni Ejercito ang paglalaan ng ₱10 bilyon para sa bagong Presidential Assistance for Fisherfolk program at dagdag na ₱8 bilyon para sa flood mitigation structures. Gayunman, binawasan naman ng ₱4.6 bilyon ang flood mitigation projects sa mga pangunahing river basin.
Sinita rin ng senador ang pagtaas ng pondo para sa mga ayuda program gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), na ipinapalagay na makatutulong sa mga maaapektuhan ng El Niño.









