--Ads--

Itinanggi ng Malacañang na pinag-iisipan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posibleng kapalit ni Vice President Sara Duterte habang nagpapatuloy ang impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi umano kabilang sa mga tinatalakay sa mga pagpupulong ng Pangulo ang impeachment trial, at ang nais lamang nito ay matiyak ang pagsunod sa due process.

Una nang sinabi ng Malacañang na desisyon ni Duterte kung mananatili siya sa puwesto o magbibitiw sa kabila ng kinahaharap na paglilitis at mga alegasyon laban sa kaniya.

Noong Martes, iginiit ni Duterte na hindi siya magbibitiw bilang bise presidente.

--Ads--

Samantala, kaugnay ng impeachment trial, inalis ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban kay Duterte at nagpasyang ituon ang kaso sa Article II, na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, kabilang ang mga alegasyon ng hindi ganap na deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa mga negosyo.

Tinawag naman ng kampo ni Duterte na indikasyon umano ng kawalan ng sapat na batayan ang pag-atras ng prosekusyon sa tatlong artikulo.

Bilang tugon, kinuwestiyon ni Castro kung bakit hindi pormal na tumutol ang defense team sa hakbang ng prosekusyon sa halip na maghain lamang ng manifestation.

Gayunman, magpapatuloy ang proseso alinsunod sa mga tuntunin ng impeachment court at sa prinsipyong dapat mabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na ilahad ang kanilang mga argumento.