--Ads--

Tiniyak ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na sapat pa ang natitirang ₱11 milyon na pondo ng Senado para maipagpatuloy at matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Committee on Accounts, mula ito sa ₱25.7 milyong continuing appropriation sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), kung saan mahigit ₱14 milyon pa lamang ang nagagastos sa pagdinig.

Sinabi ni Lacson na inaasahang kakasya ang natitirang pondo dahil isang artikulo na lamang ng impeachment ang itutuloy ng prosekusyon, kasunod ang paglalahad ng depensa ng bise presidente. Posible pa aniyang may matipid na bahagi ng budget kapag natapos ang paglilitis.

Ayon naman kay Senate President Sherwin Gatchalian, umabot sa ₱14.55 milyon ang nagastos ng Senado sa loob ng 44 na araw ng paglilitis, katumbas ng humigit-kumulang ₱330,763 kada araw.

--Ads--

Kabilang sa mga gastusin ang pagkain ng mga kawani sa mahahabang sesyon, mga kagamitan, overtime pay at pag-upa ng venue para sa mga deliberasyon sa budget dahil ginagamit ng impeachment trial ang malaking bahagi ng mga silid sa Senado.

Kapwa itinanggi nina Lacson at Gatchalian ang alegasyong umaabot sa ₱25 milyon kada araw ang gastos sa impeachment trial.

Nag-ugat ang usapin matapos sabihin ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na umabot umano sa ₱500 milyon ang nagastos sa 20 araw ng paglilitis sa unang at ikaapat na artikulo ng impeachment, bukod pa sa iba pang gastusin.

Samantala, inalis na ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban kay Duterte. Ang Article II na lamang, na may kaugnayan sa umano’y hindi ganap na deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa mga interes sa negosyo na nagbubunsod ng mga tanong tungkol sa kaniyang hindi maipaliwanag na yaman, ang itutuloy ng prosekusyon.

Tinanggap naman ng Senate impeachment court ang mosyon ng prosekusyon na bawiin ang tatlong artikulo.