--Ads--

Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang motion for reconsideration na inihain ni Berteni Causing kaugnay ng kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa panunungkulan ni Senator Erwin Tulfo.

Sa inilabas na pahayag ni SET Secretary Jose Luis Geronimo, sinabi ng tribunal na hindi naihain ang mosyon sa loob ng itinakdang panahon at hindi rin nasunod ang mga kinakailangan sa paghahain at pagsisilbi ng mga dokumento alinsunod sa mga tuntunin ng SET.

Ibinasura ang mosyon nang walang prejudice sa paghahain ng panibagong petisyon, nangangahulugang hindi nito awtomatikong hinahadlangan ang paghahain ng ibang reklamo.

Sa orihinal na petisyon ni Causing, apat na batayan ang inilatag upang kuwestiyunin ang pagiging kuwalipikado ni Tulfo bilang senador: ang umano’y kawalan ng katapatan sa Pilipinas dahil sa pagiging tapat sa Estados Unidos, ang alegasyong hindi siya mamamayang Pilipino, ang pagiging bahagi umano ng isang political dynasty, at ang umano’y kawalan ng kinakailangang kuwalipikasyong pang-akademiko.

--Ads--