--Ads--

Nagulat ang ilang vendor sa palengke sa Lungsod ng Cauayan matapos ang biglaang pagbisita ng Department of Trade and Industry o DTI Region II para sa isinagawang Consumer Network Monitoring Activity.

Gayunman, positibo naman ang naging reaksyon ng isang meat vendor sa naturang aktibidad dahil nakatulong umano ito upang maipaliwanag sa mga nagtitinda ang mga pamantayang dapat sundin at ang mga kailangang ayusin sa kanilang mga paninda.

Sa panayam ng Bombo Cauayan kay Ginang Judith Dalmacio, isang meat vendor, ibinahagi niyang nagulat sila sa pagdating ng mga kinauukulang ahensya dahil hindi nila inaasahan ang isinagawang monitoring.

Gayunman, ikinatuwa rin niya ang inspeksyon dahil nabibigyan sila ng kaalaman tungkol sa kanilang mga kakulangan at sa mga hakbang na dapat gawin upang maitama ang mga ito.

--Ads--

Kabilang sa mga napansing paglabag sa ilang puwesto ang paggamit ng dilaw na ilaw sa halip na puti, kawalan ng price tag sa mga paninda, at paglalagay ng karne sa karton sa halip na sa stainless na lalagyan.

Bukod dito, ipinaalala rin ang paggamit ng angkop na lalagyan para sa mga karne bilang bahagi ng mga pamantayang dapat sundin sa kanilang mga puwesto.

Samantala, inaasahang magsisilbing gabay sa mga vendor ang mga paalala upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa pagtitinda at higit pang mapabuti ang serbisyong ibinibigay sa mga mamimili.