--Ads--

Natuklasan ng Consumer Network Joint Monitoring Team, kasama ang Department of Trade and Industry o DTI at iba pang kinauukulang ahensya, ang ilang establisimyentong hindi wasto ang pagpapatupad ng diskwento para sa senior citizens at persons with disability o PWD sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, Disability Affairs Officer ng PDAO Cauayan, ipinaliwanag nito ang kahalagahan ng wastong pagpapatupad ng mga tuntunin sa pagbibigay ng diskwento at value-added tax o VAT exemption sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Kabilang dito ang Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 at Republic Act No. 10754, na nagpapalawak sa mga benepisyo at pribilehiyo ng mga persons with disability.

Sa ilalim ng mga batas na ito, may karapatan ang mga kwalipikadong senior citizen at PWD sa 20% discount at VAT exemption para sa mga partikular na produkto at serbisyong saklaw ng batas.

--Ads--

Sa pagkukuwenta ng diskwento, kailangang ibawas muna ang VAT mula sa orihinal na presyong may buwis bago ilapat ang 20 percent discount sa halagang hindi na kasama ang VAT.

Halimbawa, kung ang orihinal na presyo ng isang kwalipikadong produkto o serbisyo ay 1,120 pesos kasama ang VAT, ibabawas muna ang 120 pesos na VAT upang maging 1,000 pesos ang pagbabatayan ng diskwento.

Mula sa halagang 1,000 pesos, ibabawas ang 200 pesos na katumbas ng 20 percent discount, kaya 800 pesos na lamang ang babayaran ng benepisyaryo.

Dahil dito, mahalagang hindi lamang basta magbigay ng 20 percent discount ang mga establisimyento kundi tiyakin ding tama ang pagkukuwenta at hindi na maisama ang VAT sa halagang pagbabatayan ng diskwento.

Gayunman, ang naturang pribilehiyo ay para lamang sa mga kwalipikadong transaksyon at sa mga produkto at serbisyong saklaw ng batas.

Hindi rin maaaring pagsamahin ang magkahiwalay na 20 percent discount para sa senior citizen at PWD sa iisang transaksyon.