Sinuportahan ng isang transport group ang panawagang magbitiw sa puwesto si Department of Energy o DOE Secretary Sharon Garin, sa gitna ng mga kinahaharap na isyu sa presyo ng mga produktong petrolyo at umano’y kawalan ng mahigpit na pagbabantay sa mga kumpanya ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay National Public Transport Group o NOTc Convenor Ariwel Lim, sinabi niyang matagal na nilang isinusulong ang pagpapalit sa namumuno sa DOE, dahil sa paniniwalang dapat italaga sa naturang posisyon ang isang indibidwal na may sapat na kaalaman at karanasan sa sektor ng enerhiya.
Ayon sa kanya, mahalagang ang mamumuno sa isang ahensya ng pamahalaan ay may sapat na kakayahan at kaalaman sa larangang kanyang pinamamahalaan upang matugunan ang mga problemang kinahaharap ng sektor.
Binigyang-diin nito na katulad sa Department of Transportation, nararapat lamang na may sapat na kaalaman sa transportasyon ang mamumuno sa naturang ahensya, gayundin sa iba pang departamento ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, naniniwala siyang mahalagang magkaroon ng liderato sa DOE na kayang tiyakin ang wastong pagpapatupad ng mga regulasyon sa mga kumpanya ng langis, partikular sa usapin ng presyo ng petrolyo at pagprotekta sa mga konsyumer.
Giit ng transport group, kailangan ng isang pinunong may sapat na kakayahan upang matiyak na hindi naaabuso ang mga mamimili at sektor ng transportasyon sa gitna ng pabago-bagong presyo ng mga produktong petrolyo.











