Nakatakdang dumalo bilang special guest at kinatawan ng Pilipinas si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa Victoria’s Secret Fashion Show sa Los Angeles, California sa Oktubre 19.
Kinumpirma ni Gray ang kanyang paglahok sa pamamagitan ng social media, bagama’t hindi pa malinaw kung lalakad siya sa runway ng sikat na lingerie brand gamit ang kanyang signature na lava walk.
Sa Instagram, ibinahagi ng beauty queen ang mga larawan niya na nakasuot ng platinum blonde wig, pink leotard, at malalaking puting pakpak, kalakip ang caption na “Wings up, we’re inbound.”
Ikinatuwa naman ng kapwa beauty queens ang kanyang paglahok, kabilang sina Chelsea Manalo, Krishnah Gravidez, CJ Opiaza, at Nicole Cordovez.
Samantala, kabilang din sa mga performer sa nasabing fashion show ang K-pop girl group na KATSEYE, na kinabibilangan ng Filipinang si Sophia Laforteza.











