--Ads--

Pinayuhan ng isang security analyst and military diplomacy expert si Chinese Ambassador Jing Quan na maging maingat sa kanyang mga pananalita sa gitna ng sensitibong ugnayan ng Pilipinas at China, partikular sa usapin ng West Philippine Sea.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chester Cabalza, sinabi nitong mahalagang isaalang-alang ng isang diplomat ang kultura at sensibilidad ng bansang kanyang kinaroroonan, dahil maaaring magkaroon ng iba’t ibang interpretasyon ang kanyang pahayag.

Aniya, bagama’t maaaring may punto ang Chinese Ambassador, naging sensitibo umano ang konteksto ng kanyang pananalita lalo’t hindi pa nareresolba ang isyu sa  West Philippine Sea.

Binigyang-diin ni Cabalza na dapat maunawaan ni Ambassador Quan ang kulturang Pilipino upang maiwasan ang mga pahayag na maaaring makasakit o magdulot ng hindi magandang reaksyon sa publiko dahil ang isang diplomat ay dapat marunong rumespeto at umintindi upang mas mapalalim pa ang ugnayan ng dalawang bansa.

--Ads--

Bagama’t naniniwala siya na hindi patas na laging Pilipinas na lamang ang umiintindi dahil lamang sa makapangyarihan ang China, umaasa si Cabalza na huwag nang ideklarang persona non-grata si Ambassador Quan.

Sa halip, mas mainam aniya kung pagnilayan na lamang ng China ang sitwasyon at huwag basta mangpo-provoke sapagkat ang pananalita ay maihahalintulad umano sa gawa.