Naghahanda na ang Alicia Municipal Police Station o katuwang ang lokal na pamahalaan, para sa paggunita ng Undas 2026 upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng nva mamamayang bibisita sa mga sementeryo sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Alicia Municipal Police Station, sinabi nito na nakikipag-ugnayan na ang kapulisan sa lokal na pamahalaan o LGU upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda para sa Undas ngayong taon.
Sinabi ni Mallillin na may apat na sementeryo at isang memorial park sa bayan na kabilang sa mga lugar na pagtutuunan ng pansin ng mga awtoridad sa panahon ng Undas.
Bahagi ng paghahanda ang pagtatalaga ng mga tauhan ng kapulisan, katuwang ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon, upang mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayang bibisita sa mga sementeryo at memorial park.
Ayon pa sa opisyal, 38 personnel ang nakatalagang direktang makibahagi sa operasyon, habang aabot naman sa 58 ang kabuuang bilang ng mga tauhang inaasahang magiging bahagi ng paghahanda at pagpapatupad ng seguridad.
Samantala, pinaalalahanan ni PMaj. Mallillin ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga ipinatutupad na panuntunan upang matiyak ang maayos, mapayapa, at ligtas na paggunita ng Undas 2026.











